Tandem

September 9th, 2007

Ang balingbing ay isang uri ng prutas na maraming anggulo. Kumbaga sa 3D, mahirap gawan ng animation pagka’t iba-iba ang pwedeng maging perspektibo. Pati sa lasa, sagana ito sa halo. Mapapa-pikitmata ka sa halong asim at tamis ng malutong nitong balat pero ang totoo’y MAPAKLA ang balingbing. Malilinlang ka lamang sa hugis nitong bituin at tila matamis na katas. Ang balingbing ay nakakaloko at nakakalokang prutas. Gayon pa man, paborito at hinahanap hanap natin ito, hindi ba?

Ang balingbing, tulad ng prutas, ay isang uri ng tao na bukod sa maraming anggulo ay ang gulo rin. Di mo malaman kung saan at kanino sya pumapanig. Karaniwang nagiging sanhi pa sya ng trobol at samaan ng loob kasi paiba-iba ng perspektibo, detalye at bersyon ng istorya. Matamis ang tabas ng dila kapag kaharap mo na kaya naman hahanap hanapin mo kasi akala mo’y nakakuha ka na ng kakampi. Pero si balingbing ay nakakalinlang pala. Maasim ang mga binibitawang salita kapag nakatalikod ka na. In short, MAPAKLA.

***********************************************************************

Minsan naiinggit ako sa katangahan ng tanga. Sa sobrang tanga, di inaabot ng utak nila ang mga problemang hinaharap ng ating mundo at buhay na karaniwang inuusisa naman ng mga mahilig mag-isip. Ang tanging problema lamang ng isang tanga ay kung ano ang susuutin nilang pamporma sa araw na ‘to, kung ano ang isusunod na joke at kung saan kakain pag nagugutom na sya. Badtrip sila pag malalim na bagay na ang pinag-uusapan, sabay walk out, kasi para sakanila bakit naman kelangan pang magpa-lawak ng utak ang isang tao kung pwede namang mag-party, mag-laughtrip at magjoyride na lamang. Karaniwa’y dinadaan na lang nila sa halakhak at stupid jokes ang mga usapin kasi hindi nga sila maka-relate, walang mai-share at di gets ang topic. Wala sila halos paki sa edukasyon at pagpapayaman ng kaalaman kasi para sakanila, ang eskwelahan ay isang lugar lamang na kung saan pwede silang magrampa, magpasikat at magpa-kyut para makarami ng kaibigan. Naisip ko tuloy, masarap din siguro maging tanga kasi di mo kelangan mag-isip ng kung anu-anong komplikadong bagay na minsa’y nakakabigat pa sa dibdib. At dahil nga sa di alam ng tanga na tanga sila, naisip ko, okay din sigurong di mo alam kung ano ka sa paningin ng tao. Di ka mako-conscious kumbaga. Sa tanga, wala ring pressure kasi walang expectation sayo ang ibang tao kasi alam nilang tanga ka. Walang hasel.

Kaya kung gusto mo ng hasel-free na buhay at mga tulalang sandali, tayo na at maging tanga! Marami pang makikipag-kaibigan sayo kasi mas madali kang mauto! Wow!

*********************************************************************

Marahil ay magtataka kayo kung bakit nasa isang pahina lamang ang dalawang topic na ito? Kasi po, ladies and gentlemen, ang tanga at balingbing ay bagay na magka-tandem. Perfect besprens. Habang nagpapaka-tanga si tanga, wala syang alam na binabalingbing sya ni balingbing. O di ba, hasel-free!!!

Bagay? Bagay.




Comments RSS

Leave a Reply

Name (required)

Email (required)

Website

Speak your mind